Dapat nating balikan ang makasaysayang pananampalatayang Cristiano. Kinakailangan nito ang seryosong pag-aaral ng Bibliya, at para sa ilan ay kasali dito ang radikal na pagsasaayos ng kanilang buong pananaw o pagtingin sa mga bagay-bagay, pati na rin ang paraan at direksyon ng kanilang mga ginagawa sa buhay Cristiano. Para sa lahat, nangangahulugan ito ng panibagong pagdepende sa kapangyarihan ng Banal na Espiritu na kumilos sa pamamagitan ng pagtuturo at pangangaral ng salita ng Diyos, sa halip na mataranta sa paghahanap ng mga kakaiba’t nakakaakit na mga bagong pamamaraan para hikayatin ang mga unbelievers para dumalo at sumama sa mga churches natin.
Pangunahin sa mga katotohanang dapat balikan ng mga evangelicals ay ang mga great Reformation doctrines na napagsama-sama sa kilalang tawag na “solas” (salitang Latin para sa “lang” o “tangi” o “nag-iisa”): “sola Scriptura,” na ang ibig sabihin ay “Bibliya lang”; “solus Christus,” na ang ibig sabihin ay “si Cristo lang”; “sola gratia,” na ang ibig sabihin ay “biyaya lang”; “sola fide,” na ang ibig sabihin ay “pananampalataya lang”; at “soli Deo gloria,” na ang ibig sabihin ay “para lang sa karangalan ng Diyos.”
Sola Scriptura
Nang gamitin ng mga Reformers ang mga salitang sola Scriptura ipinapahayag nila ang concern nila para sa awtoridad ng Bibliya, at ang ibig nilang sabihin ay ganito: ang Bibliya lang ang pangunahin at pinakamataas (ultimate) na awtoridad natin–hindi ang pope, hindi ang church, hindi ang mga tradisyon ng church o mga church councils, lalo pa ang mga personal na pahiwatig o pabagu-bagong damdamin natin, kundi ang Bibliya lang. Ang ibang mga sources of authority ay meron namang important role to play. Ang iba nga ay Diyos mismo ang nagtalaga tulad ng awtoridad ng mga church elders, awtoridad ng gobyerno, o awtoridad ng mga magulang sa mga anak. Pero ang Bibliya lang ang pangunahin at pinakamataas (ultimate). Kaya naman, kung alinman sa iba pang mga awtoridad na nabanggit ay lumihis sa itinuturo ng Bibliya, dapat silang husgahan sa pamamagitan ng Bibliya at tanggihan.
Solus Christus
Noong panahon ng Middle Ages, nagsasalita naman ang church tungkol kay Cristo. Ang isang church na mabibigong gawin yun ay hindi maaaring tawaging Christian. Pero ang church noong panahong yun ay nagdagdag ng maraming mga human achievements sa ginawa ni Cristo. Dahil dun, hindi na maaaring masabi na ang kaligtasan ay talagang dahil kay Cristo at sa paghahandog ng kanyang sarili sa krus (atonement). Ito, ayon sa tamang pagsusuri ng mga Reformers, ang nangingibabaw sa lahat ng mga maling katuruan (heresies) noon–na ang kaligtasan ay gawa nga ng Diyos pero kailangang dagdagan ng sarili nating katuwiran. Ang Reformation motto na solus Christus ay binuo para ibasura ang pagkakamaling ito. Sinasang-ayunan nito na ang kaligtasan ay tanging nakasalalay sa natapos nang gawa ni Jesus Cristo bilang tagapamagitan natin, ayon sa nangyari sa kasaysayan. Tanging ang kanyang buhay na walang kasalanan at ang paghahandog ng kanyang sarili sa krus bilang kapalit natin (subsitutionary atonement) ang sapat para maituring tayo na matuwid sa harap ng Diyos (justification), at anumang “gospel” na hindi kinikilala o tinatanggi ang katotohanang iyon ay isang false gospel na hindi makapagliligtas ng sinuman.
Sola Gratia
Ang mga salitang sola gratia ay nagpapahiwatig na ang mga tao ay walang maaaring angkinin sa Diyos. Ibig sabihin, walang obligasyon ang Diyos sa atin maliban na lang ang makatarungang parusa para sa marami at tahasang mga kasalanan natin. Kaya nga, kung magliligtas man siya ng mga makasalanan, na siyang ginagawa niya sa ilan pero hindi sa lahat, ito ay dahil lang sa kaluguran niyang gawin ito. Sa katunayan, maliban na lang sa biyaya niyang ito at sa gawa ng Banal na Espiritung nagbibigay-buhay (regenerating work) na dumadaloy mula sa biyayang ito, walang sinuman ang maliligtas. Bakit? Dahil sa kundisyon nating hiwalay sa Diyos, walang kakayahan ang mga tao na makamit, masumpungan, o makipagtulungan man lang sa biyaya ng Diyos. Sa pamamagitan ng pagbibigay-diin sa “grace alone” itinatanggi ng mga Reformers na kung ang mga pamamaraan ng tao, mga techniques, o mga strategies lang ang pagbabatayan, walang kakayahan ang mga ito na magdala sa sinuman para sumampalataya kay Cristo. Tanging biyaya lamang ng Diyos na ipinahayag sa pamamagitan ng makapagyarihang gawa ng Banal na Espiritu ang makapagdadala sa atin kay Cristo, at siyang makapagpapalaya sa atin mula sa pagkakaalipin sa kasalanan at babangon sa atin mula sa kamatayan tungo sa espirituwal na buhay.
Sola Fide
Hindi napagod ang mga Reformers sa pagsasabi na ang justification ay “by grace alone through faith alone because of Christ alone.” Kung paiikliin ang theological statement na ‘yan, ang doktrinang ito ay ipinapahayag na “justification by faith alone.” Ayon kay Martin Luther, ito ang “article by which the church stands or falls.” Tinatawag ng mga Reformers itong “justification by faith” na “material principle” ng Christianity, dahil nakapaloob dito ang pinakamahalagang nilalaman ng kung ano ang dapat maunawaan at paniwalaan ng isang tao para siya ay maligtas. Ang “justification” ay kapahayagan ng Diyos na nakabatay sa gawa ni Cristo. Ito ay dumadaloy mula sa biyaya ng Diyos at nakakarating sa isang indibidwal hindi sa kung ano ang pwede niyang gawin kundi sa pamamagitan ng “pananampalataya lang” (sola fide). Pwede nating sabihin ang kabuusan ng doktrinang ito na: Ang “justification” ay ang gawa ng Diyos kung saan idineklara niyang matuwid ang mga makasalanan dahil lang kay Cristo, batay lang sa kanyang biyaya, sa pamamagitan lang ng pananampalataya.
Soli Deo Gloria
Bawat isa sa mga “great solas” na ‘yan ay mapagsasama-sama sa ika-limang Reformation motto: soli Deo gloria, na ang ibig sabihin ay para sa Diyos lang ang papuri at karangalan (“to God alone be the glory”). Ito ang ipinahayag ni apostol Pablo sa Romans 11:36 nang isulat niya, “sa kanya ang karangalan magpakailanman! Amen” (MBB). Ang mga salitang ito ay natural lang na kasunod ng mga nauna niyang sinabi, “Sapagkat ang lahat ng bagay ay nanggaling sa kanya, at nilikha ang mga ito sa pamamagitan niya at para sa kanya” (v. 36 ASD), dahil lahat naman ng mga bagay ay talagang mula sa Diyos, at para sa Diyos, kaya masasabi nating, “sa Diyos lang ang papuri at karangalan.”
Excerpts translated to tagalog from the book “Whatever Happened to the Gospel of Grace?” by James Montgomery Boice
Images from www.skitguys.com